9.25.2009, 5:00 pm - maaga akong umuwi, umuulan na, pero mahina pa lang. baha na rin sa street (Nawasa St. aka Daangtubo) namin.
water level: hanggang sakong (sa kalsada)
9.26.2009, 9:00 am - magdamag umulan at di pa rin tumitigil. pumunta ako sa palengke at tinulungan si nanay sa pagluto ng tinola.
water level: 2 ft., hanggang o lagpas tuhod
10:00 am - lalong lumakas ang ulan, kunti na lang at papasok na sa loob ng bahay namin yung tubig. nag-umpisa na akong mag-ayos ng mga gamit, para di na ako mahirapang magtaas ng mga ito sakaling tumaas na talaga yung tubig. maaga na rin kaming kumain ng lunch.
water level: 3 ft.
11:00 am - pumasok na sa loob ng bahay namin yung tubig-baha. (elevated ng kulang-kulang 3ft yung sahig ng bahay namin compare sa level ng kalsada sa labas). pinalipat ko na sila nanay, asawa ng utol ko at pamangkin ko sa bahay ng kuya ko (within sa compound din namin yon). mayroon kasi doong maliit na second floor.
kinontak ko na rin yung dalawa kong kapatid na umuwi para makatulong sa pagtataas ng mga gamit. nagtatrabaho silang dalawa sa farm malapit lang din sa amin. inumpisahan ko ng itaas ang mga gamit sa bahay. katulong si tatay, inilagay ko sa sako ang mga damit at kung anu-anong pang gamit at ipinatong sa ibabaw ng double deck na kama. yung ibang nakasako na ay itinali ko ng nakabitin sa bakal na nakalawit sa isang poste sa sulok ng bahay. inilagay ko naman ang lahat ng mga upuan sa ibabaw ng papag at ipinatong dito ang iba pang gamit. inilagay ko na rin ang mga importante kong gamit, cellphone, pera, mga libro ni bob ong, yosi, lighter at iba pa sa pula kong bag at dagliang dinala sa itaas ng bahay ng kuya ko. hanggang tyan o dibdib ko na ang tubig sa labas. mabilis akong bumalik sa bahay at itinaas ko pa ang iba pang gamit. ipinatong ko ang washing machine sa lamesa, yung mga TV, monitor sa ibabaw ng pinagpatong na upuan at isa pang upuan, yung CPU isiniksik ko sa ibabaw ng double-deck na kama, kasama ang iba pang damit.
water level: 4 ft.
12:00 pm - lalo pang lumakas ang ulan, na para bang nang-aasar at wala ng balak pang tumigil. napansin ko na nagkaroon na ng malakas na alon ng tubig papasok sa street namin mula sa main road (Kambal Road). medyo pababa (slant) kasi yung street namin mula sa main road. naging kulay putik (parang kape na may creamer na mas lamang yung kape ang kulay) na rin yung tubig-baha. dito na ako kinabahan. "iba na 'to!", sa isip-isip ko. normal lang ang bumaha sa amin, pero hindi ganito. nagpatuloy pa rin ako sa pagtaas ng mga gamit na pwede pang ilagay sa mataas na lugar.
12:30 pm - tinawagan (buti may siganal pa)ko yung dalawa kong kapatid, stranded na rin pala sila sa kabilang bahagi ng creek (mga 200m ang layo ng creek na yon sa street namin) dahil umapaw na ito at sobrang lakas ng agos, wala ng makatawid. nagdesisyon na yung kuya ko na ilipat sila nanay at mga bata (tatlo kong pamangkin, ages 6 yrs old, 4yrs old at 9months old) sa mataas na second floor ng kapit-bahay (bahay ng kabarkada ko, si Jeffrey). paisa-isang kinarga ng kuya ko ang mga bata. una kong inalalayan paalis ng compound namin si nanay. nilusong namin yung halos ga-balikat ng tubig. hinawakan ko sya sa balikat at sinabihang tumingkayad, hawak nya sa kaliwang kamay ang kanyang bag na may lamang damit at kung anu-ano pa. malakas ang agos, pero dahil sabay sa agos yung direksyon na pupuntahan namin, di kami nahirapang maglakad sa baha. maingat lang baka kasi ma-out-balance kami at lumubog sa tubig. ligtas ko namang naihatid ang nanay ko sa bahay ng kabarkada ko. nag-aabang na sila sa may pinto at agad na inalalayan ang nanay ko papasok.
bumalik agad ako sa bahay, sa pagkakataong ito. kontra na ako sa malakas na agos ng tubig. sinubukan ko itong salubungin, pero malakas talaga. kahit kumapit pa ako at mamaybay sa gilid-gilid ng mga bahay. "doon ka sa ibabaw ng bakod dumaan!", sigaw ng isang kapit-bahay. may mataas at mahabang bakod kasi sa gilid ng street namin, boundary nung subdivision na dine-develop. nag-paanod ako sa tubig para makatawid sa kabilang bahagi ng kalye at makapunta sa bakod. kumapit ako sa ibabaw nito para umakyat. putek! ang hirap umakyat, dahil sa lakas ng alon. nakatungtong ako sa ibabaw nito, tumulay at naglakad pabalik sa harap ng bahay namin. ingat lang baka madulas, kaliwa o kanan ka man bumagsak, tubig-baha pa rin ang babagsakan mo. ganon na rin ang ginawa ng ilan pa naming mga kapit-bahay para lang wag salubungin ang malakas na agos.
12:45 pm - 1:00 pm - mula sa bakod, patalon at palangoy akong pumunta sa bahay namin. si tatay naman ang hinatid ko. lalong lumakas ang alon. namaybay na kami sa gilid ng mga bahay habang akbay-akbay ko si tatay papunta sa bahay ng kabarkada ko. ligtas ko ring naihatid si tatay. akyat uli ako sa bakod. lalo pang lumakas ang ulan, na sinamahan na ng malakas na ihip ng hangin. mabilis tumaas yung tubig. hanggang leeg ko na sa muli kong paglusong papasok sa bahay namin. kinuha ko yung pwede pang maisalba. yung damit na nailagay sa plastic bag ni nanay dinala ko sa kanila. isinama ko dito yung ever-reliable kong jacket. balik na naman. naglutangan na yung mga gamit sa bahay. kinuha ko naman yung kaldero ng kanin at ulam, para naman may makain kami. balik na naman ako. tumingin ako ng posible pang maiiligtas na gamit. inabot na yung mga TV at monitor na itinaas ko, yung 2 aparador at kung anu-ano pa. nagpatulong ako sa kuya ko para itaas yung malaking cabinet. ipinatong namin ito sa lubog na sa tubig na sofa at itinali. inilagay ko sa ibabaw nito yung mga unan, kumot at iba pa.
water level: 5+ ft.
2:00pm - hindi pa rin tumigil yung ulan at tila wala ng balak ng tumigil pa. lagpas na sa akin yung tubig kaya literal na lumalangoy na ako. sa huling pagbalik ko sa loob ng bahay namin, hanggang dibdib na sa loob. nang sa palagay ko'y wala na akong maisasalba pa, sinarado ko na yung pinto para di pumasok ang mga basura. nagpa-iwan ang kuya ko sa bahay nila. lumangoy na ako papunta sa bahay ng kabarkada ko. umakyat ako sa hagdan ng bahay nila para dungawin sila nanay at kamustahin. nakapagpalit na sila na tuyong damit. mukha naman silang ok na sa taas ng bahay. pinatext ko sa hipag ko yung mga kapatid ko na huwag ng umuwi dahil delikado na ang lalim ng tubig at lakas ng agos.
at saka ko lang napansin, kulay-kape na pala yung suot kong puting t-shirt. unti-unti na rin akong nakakaramdam ng lamig. gusto kong magyosi. malas, naiwan ko yung bag ko sa taas ng bahay ng kuya ko. may yosi at lighter pa naman ako doon. mahirap ng bumalik sa bahay. mataas na talaga yung tubig. wala ring yosi yung kabarkada ko. nagpasya kaming bumili. bibili na rin kami ng kandila dahil nawalan na ng kuryente at ng kung ano pang makakain. namaybay kami papunta sa tindahan ni aling neneth. bumili kami ng kandila at syempre yosi. kailangan namin yun para pampabawas ng lamig. pinabalot ko sa plastic para di mabasa. nakapagyosi rin ako, pampabawas lamig. pampa-relax.
lalo pang lumakas yung agos ng maputik ng tubig. may inanod ng tricycle sa street namin. nagpagulong-gulong ito sa tubig na parang bola. naisipan naming maglagay ng tali mula sa pader hanggang sa pinto ng bahay ng kabarkada ko. para di matangay sa agos ang sinumang tatawid at para na rin may mahawakan ang sinumang aanurin. isa-isa rin naming inalalayan ang ilang mga kapitbahay ng nag-evacuate na rin sa bahay ng ka-tropa ko.
water level: 6+ ft.
3:00 pm - lalo pang tumaas yung tubig. nalubog na rin sa tubig yung bakod na ginawa naming tulay kani-kanina lang. di ko na talaga kaya yung lamig. umahon na ako sa tubig-baha. ilang oras na rin kasi akong nakababad sa tubig, basa pa yung t-shirt at shorts ko. umakyat ako sa hagdan at dumungaw sa taas, "magpalit ka ng damit..", sabi ng nanany ko. kaso wala pala akong nadala na kahit ano. maliban sa ever-reliable kong jacket na buti na lang at nailagay ko sa plastic at nailigtas. hinubad ko yung basa at kulay kape kong t-shirt at sinuot ang jacket. ang lamig na talaga. itinapat ko yung kamay ko sa apoy ng kandila, para mabawasan ang lamig na nanunuot na talaga sa katawan ko. apat na baitang na lang at aabot na sa taas ng bahay ng kabarkada ko yung tubig. "naku! wag naman!", sa isip-isip ko. iyan din marahil ang nasa isip ng karamihan sa amin. kumain ako kahit kaunti, buti na lang pala at binitbit ko yung kaldero naming may kanin at ulam (malamig na tinola). may pantawid gutom kami kahit papaano.
water level: 7+ ft.
4:00 - 9:00 pm - tuloy pa rin yung ulan. pero di na tumataas yung tubig. nakisiksik ako sa mga kasama sa terrace. dito ko na nakita kung gaano kalawak ang baha. nagmistulang dagat doon sa subdivision na dinedevelop pa lang sa kabilang bakod. mataas na rin ang baha sa main road (Kambal Road). wala na talagang makadaan na sasakyan. nalibang kami sa sari-saring bagay na inaanod sa tubig. basura, tsinelas, kahoy, diaper, ahas, bote ng soft drinks at kung anu-ano pa. halos sampung pamilya rin kaming nagsisiksikan sa taas ng bahay na yon. nagtulong-tulong ang mga babae sa paghahanda ng kung ano man ang pwedeng iluto. maaga na rin kaming kumain dahil walang kuryente, siguradong madilim. nakakain din ako ng matino kahit papaano.
mga 6pm siguro yon ng medyo humina ang ulan. bubugso ng malakas pero patigil-tigil naman. pero alerto pa rin kami sa kung ano man ang pwede pang mangyari. tambay kaming mga lalaki sa terrace. wala rin naman kasi kaming pwepwestuhan para mahiga at matulog. hinayaan na naming makapagpahinga ang mga babae, matatanda at mga bata. kwentuhan habang nagyoyosi. nagawa pa nga naming magbiruan at maglokohan. hehe! pinoy nga naman.
mga 8pm siguro yon ng magsimulang bumaba ang tubig. lumitaw na kasi ulit yung bakod na ginawa naming tulay kanina. pero hanggang leeg pa rin ang lalim nito. humina na rin yung agos. may ilan-ilan na ring mga kapitbahay na nakakapaglakad sa kalye namin para tingnan ang mga bahay nila. mamaya na ako ulit lulusong sa tubig, malalim pa naman e. sinubukan kong makatulog, pero sa ganong sitwasyon malabo na yon. siguro na-idlip lang ako ng kalahating oras.
mga 9pm nang dumating ang kapatid ng kabarkada ko, na-stranded sa pag-uwi. sinuong na ang mga malalim na baha makauwi lang. at ang maganda pa roon, may dala syang pagkain. nagising ang mga bata at kumain. naibalita nya na rin ang lawak ng baha. kahit daw sa Gen.Luna Street (national highway na parallel sa San Mateo River) ay halos lagpas tao ang tubig. pumunta rin ang kuya ko sa bahay ng barkada ko para kamustahin ang mga pamangkin ko.
water level: below 6 ft.
11:00 pm - naging hanggang bewang na lang yung tubig. dito na namin napagkasunduang bumaba at lumusong sa tubig. pinuntahan ko agad ang bahay namin. nakakapanghinayang na tanawin ang bumulaga sa akin ng buksan ko ang pinto at ilawan ng liwanag mula sa maliit na flashlight. basa ang lahat ng gamit namin, as in lahat at nagswi-swimming sa pinaghalong tubig-baha, putik at basura. pati ang mga itinaas kong gamit nabasa. pati yung itinali at ibinitin kong sako, inabot rin. haaayy! pero ayos lang. at least, ligtas kaming lahat.
12:00 - 4:00 am - napagkasunduan na naming lumabas para maghanap ng mabibilhan ng makakain at ng kandila, kung may mabibilihan kami. dahil medyo mataas pa yung tubig sa kanto ng street namin palabas sa main road, ay kailangan naming umikot at maglakad sa isang subdivision para makarating sa may palengke. inumpisahan namin ang paglalakad sa baha. medyo mabato ang rutang yon. ang masakit (as in literal na masakit), wala akong tsinelas. malamang inanod na o kasalukuyang nagpapalutang-lutang sa loob ng bahay namin. kaya ramdam ko ang pagtusok ng bato sa bawat paghakbang ko. aray! ang agang "alay-lakad" nito ah. sa kabila ng pasakit na dinanas ng babad na sa tubig na talampakan ko, wala kaming nabiling kandila at kung anong makakain. maliban sa isang kaha ng yosi. haayy! buti na lang.
grabe ang ginawa ng bahang yon. walang bahay na hindi inabot ng tubig sa barangay namin. puro putik (banlik)* ang kalsadang wala ng tubig. literal na nilukot ang mga aspalto ng tubig, dahil sa lakas ng agos. puro basura, kahit saan ka tumingin. nag-umpisa ng maglinis ng bahay ang ilan. pasalamat na rin at wala namang napahamak sa street namin. swerte pa rin!
mga 4:00 am na siguro yon ng bumalik ako sa bahay. naglilinis na rin ng bahay nila ang kuya ko. nakaramdam na ako ng antok. kaya umakyat ako sa taas ng bahay ng kuya ko. ang daming gamit na nadoon, pero gumawa ako ng paraan para lang may mahigaan. at natulog akong basa pa ang brief ko..
water level: below 4 ft.
*banlik - tumining ng putik mula sa tubig-baha, early stage ng burak.
to be continued..
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
hi! id like to ionvite you for an hou and a half talk at our school about blogging, pls txt me at 09272269392.
or email me at caroljoy_ileto@yahoo.com
Post a Comment