Wednesday, September 23, 2009

mga palatandaan na bored ka na sa trabaho



- di ka na nangangarag pumasok kahit alam mong late ka na.

- browser (eg.firefox,IE,Opera,etc.) agad ang ino-open mo sa PC pagka-boot nito.

- facebook ang homepage ng browser mo.

- at siyempre facebook agad ang aatupagin mo. check ng updates, notifications, photos, iniisa-isa mo kung anu-ano man ang nakapost dito, magko-comment, bibisitahin mo ang farm mo, paliliguan mo yung pet mo, susubukan ang usong app, magko-comment na naman, magshe-share ng link, babaguhin mo yung profile pic mo, syempre pati status mo babaguhin mo rin, magbabasa ng notes, magta-tag ng photos, magko-comment na naman..

- pag sawa ka ng mag-facebook, magbabasa ka naman ng email.
- meron kang 7 email account.

- pero mas prefer mong basahin ang email ng mga kabarkada mo, ng syota mo, ng mga kamag-anak mo sa abroad, ng yahoo groups ng bandang idolo mo, yung spam mail na pampalaki ng.., at yung alert mo sa isang site (may bago daw na nakapost..hehe!).
- saka mo lang mapapansin, may email pala ang boss mo.

- sisiw lang sa'yo ang trabaho kasi iyun at iyun lang din.

- tambay ka sa pantry.
- nakakasampung tasa ka ng kape araw-araw, gusto mo kasing kabahan.
- mas trip mong nasa pantry, kasi iba ang ambiance. doon ka na lang kaya mag-trabaho.
- trip mo rin palang tumabay sa roofdeck at magyosi.

- on time ka sa lunch break.
- lalong on time ka sa coffee break.
- pati sa yosi break.

- parang laging may concert sa earphone mo.

- trip mong asarin ang mga coño mong ka-opisina.

- panay ang punta mo sa CR kahit di ka naman iihi o magbabawas.

- ah kaya ka nga pala inom ng inom ng kape, para maihi(?)..


- sumasakit na ang mata mo kakasilay sa crush mong officemate(s).

- napapayosi ka kapag naputol yung internet connection.

- "ano kayang ulam namin mamaya?", yan ang nasa isip mo habang nagmi-meeting kayo.

- gusto mong sapakin yung epal mong ka-opisina.

- asar na asar ka sa ka-opisina mong reklamador. "puro kayo reklamo, pero nandito pa rin kayo!", sa isip-isip mo lang.

- oras-oras mong tinitingnan ang orasan.

- 4pm pa lang, may accomplish report ka na agad.

- pasimple kang ume-eskapo kasi 5 pm na.

- ina-update mo ang resume mo pag-uwi mo sa bahay.

- naghahanap ka sa google ng bagong template ng resignation letter.


Thursday, September 17, 2009

gusto kong..


gusto kong mag-jogging..


gusto kong maglaro ng basketball..

gusto kong maglaro ng table-tennis..

gusto kong mag-hike..
gusto ko yung major climb..
gusto kong mag-yosi sa summit..

habang nakahiga sa damuhan..
at mag-star gazing..

gusto kong akyatin ang mt.apo..
pero syempre, mt.pulag muna..

gusto kong humiga sa beach..
habang umiinom ng malamig na beer..
yung sa serene na lugar tulad ng nagasasa cove o caramoan..

gusto kong mag-siesta sa hammock sa ilalim ng puno..
gusto kong umakyat ng puno..
pumitas at kumain ng prutas mula rito..

gusto kong maggala..

gusto kong magroad-trip..

gusto kong lakarin ang Roxas Blvd...
mula pier hanggang baclaran..
syempre tatambay ako sa baywalk..
papanoorin ko yung sunset..
habang nagyoyosi..

gusto kong makadalaw sa peyups..
marami daw bago run e..
tatambay uli ako sa hallway ng eastwing..
sa lagoon..
maglalaro uli ako ng counter-strike kila kuya bong..

gusto kong magkaroon ng DSLR..
ng ipod nano..
ng PSP..
ng bagong PC game..
ng kotse..?

gusto kong magsulat..
mag-blog..

gusto kong basahin ang lahat ng libro ni bob ong..

gusto kong maging government employee..
pwede ring government official..
ng GSIS, SSS, BSP o ng NCC..
pero di ako mangungurakot ha..

gusto kong bumili ng gitara..
gusto kong tumugtog..
gusto kong manood ng malupit na gig..
makipag-slamman..
mag-stage dive..

gusto kong makagulpi ng holdaper o mandurukot..

gusto pa rin ba kita..?

gusto na ba kita..?


gustung-gusto ko ang mga bagay na gusto ko..

gusto ko ang gusto meat loaf..


Thursday, September 10, 2009

halina ng alabang-zapote road


thursday, 08.27.2009


mga alas-siyete ng gabi, matapos kumain ay papunta kami ng isa kong ka-opisina sa festival mall (alabang). agad kaming nakasakay ng jeep na naghihintay sa ilalim nung footbridge sa harap ng ATC. naunang sumakay sa jeep yung kasama ko. may nahulog na barya. "opss..nahulog yung pera mo.." sabi nung isang lalaki. pinulot ko yung limang piso, sabay sabi dun sa kasama ko, "oy! sa'yo yata toh e.", sabay tingin doon sa pinaglaglagan nung barya, baka kasi di pa napupulot yung iba pa. may pinulot yung mama at inabot sa akin, dali ko naman itong binigay sa kasama ko habang paupo sa loob ng jeep.

nang biglang may naramdaman akong kamay na pumasok sa kanang bulsa ko! putek! madurukot! buti na lang at matalas ang aking pakiramdam. at buti na lang at hindi nya maipasok ng maigi ang kanyang kamay, medyo malalim kasi yung bulsa ko. nandoon pa naman yung celfone ko. umarte na lang ako na kunwari kukuha ako ng pambayad ng pamasahe sa kanan kong bulsa. pero ang totoo, nasa bag ko yung coin purse ko. na-alarma yung mandurukot, agad itinago yung kamay sa jacket na nasa lap nya. props lang pala ang jacket na 'yon. nakiramdam ako. binilang ko yung mga posibleng kasabwat. yung 2 mama na naghulog ng barya sa harapan ko, yung nakasabit na isa pwede rin. 'tong mandurukot sa kanan ko. pwede rin itong ale sa kaliwa ko na medyo maingay at kakaiba rin ang kilos. ang iingay nila at ang lilikot. di ako makapag-isip ng maayos. hindi na siguro ako nito dudukutan uli, kasi alam nya na, na alam ko na yung balak nya. bababa ba kami ng jeep? di ako makapagdesisyon.

biglang tumayo yung maingay na aleng katabi ko sa kaliwa at lumipat ng pwesto. umurong yung katabi nyang lalaki at tumabi sa akin. ginitgit na ako. pinaggitnaan na ako ng dalawang mokong na'to. dito na ako tuluyang kinabahan. sigurado. gagamit na ng dahas at pwersa ang mga 'to. madilim at wala pa naman gaanong tao sa parte ng alabang-zapote road na yon (westgate hanggang festival mall).

buti na lang, nagsakay pa ng pasahero ang jeep doon sa may bandang dulo ng ATC, malapit sa may terminal ng mga bus. bigla akong napatayo at mabilis na bumaba. di ko na natawag yung kasama ko. sya pa nga ang tumawag sa akin, "oy! apol..bakit?". bakit daw ako bumaba. lumayo ako ng bahagya sa jeep at tinawag yung kasama ko. "tara! tara! bumaba ka na!", sabi. di ko masabi na sangkaterbang mandurukot/holdaper/laglag barya gang ang nakasakay sa jeep na yon. bumaba rin ng jeep yung kasama ko. minadali ko sya. habang naglalakad palayo, sinabi ko sa kanya ang nangyari. takot at paranoid na ako. baka kasi biglang bumaba ang mga yon at sundan kami. bumalik kami sa loob ng ATC.

haay! muntik na kami run ah. may dala pa naman akong pera dahil araw ng sweldo. buti na lang..


Tuesday, September 8, 2009

ABNKKBSNPLAko..


o walang magre-react! hehe! kagabi, habang papauwi galing mula sa trabaho ay naisipan kong dumaan sa national bookstore at napabili ng unang libro ni bob ong, ang ABNKKBSNPLAko. yung stainless longganisa ang unang libro ni bob ong na nabasa ko na nahiram ko pa sa ka-opisina ko. weird noh, nauna ko pang basahin yung pang-lima nyang libro bago itong nauna. hehe! pero ok lang, di naman mukhang magkaka-sequel yung mga libro nya e. saka ayokong mabansagang posero na nagmamayabang na nabasa nya ang unang libro ni bob ong sa paglabas nito nung mga panahong yon. lalong di ako gagawa ng book review noh. nak ng..!

wala akong hilig sa pagbabasa ng mga libro. lalo na yung mga english novels. naku! nakakatamad! hehe! mga textbooks sa school lang ang napagtyagaan kong basahin, kasi kailangan e. mas gusto ko pa ngang basahin yung mga book for Dummies. ang reader's digest. yung tipo ng mga babasahing may matututunan ka matapos manakit ang mata mo. siguro nga kung magkakaroon ng libro na mala-encyclopedia ang dating ang national geographic o discovery channel (meron na nga ba? di ako sigurado e.), ay siguradong babasahin ko. pero depende pa rin sa presyo ng libro. hehe!

napabili man ako ng unang libro ni bob ong, di ko pa rin masasabi na idolo ko sya. gusto ko lang yung paraan nya ng pagsulat. makulit.
simple kung bumanat. mababaw, pero malaman.

sige na! magbabasa pa ako e. nasa page 25 pa lang kasi ako.