Tuesday, January 20, 2009

Chapter IV: Si Jabcy the Gingerbread Girl at ang Big Bad Wolf


sa big bad wolves den...


Tuwang-tuwa ang lobo sa kanyang dala-dala, "Nyahaha..., ilang araw ring supply ng tsibog 'to.", sabay lapag kay Jabcy sa isang tabi. Hay naku at tulog pa rin ang dambuhalang tinapay at wala na yatang balak gumising. Inamoy-amoy ng lobo ang tinapay, "Not bad! Not bad!", nasambit nya na animoy lalo lang nanabik na kainin ang nakahaing grasya. At sinimulan na nyang kainin si Jabcy, uunahin nya ang mga daliri sa mga kamay nito. Dahan-dahan at unti-unti nyang kinagat ang daliri ni Jabcy...medyo pabaon na ang matatalim na pangil ng lobo ng...biglang dumilat ang mga mata ni Jabcy. Saglit natigilan ang naalimpungatang tinapay, nag-isip, naramdaman ang nangungurot na sakit sa kanyang mga daliri na kagat-kagat ng lobo. Bumuwelo at sabay atungal, "Whaaaaaaaaaahhhhhh.......!!!", ng malakas, matinis at nakakaturete. Agad na natigilan si Big Bad Wolf sa pagkagat, nangilo sa mataas na frequency na ngawa ni Jabcy. Napatingin si Jabcy sa kanyang mga daliri, nakita nya ang lobo na kagat-kagat ito. Ang natural na reaksyong ng kanyang kamay ay isang malakas na wasiwas, na nagpaangat sa lobo at tumilapon pataas. Tumama ng malakas ang likod nito sa bubong ng Big Bad Wolve's Den, (ARAY!). Bumagsak... "Blagag!" (ARAY!) sa lupa. Hilo ang lobo na akala mo'y nakatikim ng 1-2 combo punch mula kay Pacquiao. Ilang saglit din syang nakahiga, namimilipit, ramdam ang bawat sakit sa kanyang katawan. Pinilit nyang tumayo, dahan-dahan, hinahagilap ang ulirat na muntik ng mawala dahil sa inabot kay Jabcy. Tuloy pa rin at lalo pang nilakasan ng dambuhalang tinapay ang pagngawa, "Whaaaaaaaaaahhhhhh.......!!!(volume2x)". Nang ganap ng nakatayo ang lobo at unti-unti ng bumalik ang kanyang katinuan, agad nyang binulyawan ang nagngangawang si Jabcy, "Hoooooyyyy....! Tumahimik kaaah........!". Natigilan sa pag-iyak ang tinapay, humihikbi-hikbi, "(Hikbi! Hikbi!..)", tiningnan kung sino yung sumigaw sa kanya. Nakita nya si Big Bad Wolf na masama ang tingin sa kanya. Muling umiyak, mas lalong nilakasan, "Whaaaaaaaaaahhhhhh.......!!!(volume4x)" na hinaluan na ng pagmamaktol. Muling sumigaw si Big Bad Wolf, mas malakas, "Anak ng.., TUMAHIMIK KA....!". Pero wala ring silbi, higit na mas malakas ang pag-iyak ni Jabcy, nasasapawan lang ang mga pagsigaw nya. "TUMAHAN KA NA....!", paulit-ulit na sigaw ni Big Bad Wolf, pero wala na talagang silbi ang pagsigaw nya.

"Grrrrrrr....! Kung ayaw mong tumahan, bahala ka sa buhay mo....!", nasambit na lang ni Big Bad Wolf sabay walkout. Mabilis syang lumayo sa kanyang pad habang naiirita sa pag-iyak ni Jabcy na animoy paulit-ulit na sumusigaw sa kanyang ear drum. Nagpunta sya sa gubat sa silangang bahagi ng Big Bad Wolves Den. Hinananap nya ang paborito nyang puno ng chububu na lagi nyang pinagsi-siestahan kapag naboboring na sya sa kakahunting ng matsitsibog. Pumasok sya sa pagitan ng mga ugat nito kung saan meron pala doong sikretong silid. Dumiretso sya sa kama at humiga. Saglit nag-isip. Naririnig pa rin nya ang atungal ni Jabcy sa malayo. Kahit mahina na ito ay nakakairita pa rin ang pitch ng iyak nito. "Putek, talaga! Hanggang dito ba naman ay dinig ko pa rin yung pag-ngawa ng lecheng tinapay na yon." Agad nyang tinakpan ng unan ang kanyang malalaking tenga. Pero dinig nya pa rin ang mga iyak ni Jabcy na parang jack hammer na bumabaon sa kanyang kukote. "Grrr...! (ngitngit) Ka-inis naman...!", agad syang bumangon at binuksan ang kanyang munting tokador. Kinuha nya ang kanyang ever-reliable na Ipod Nano na nabili nya ng four gives sa mga evil sisters. Agad nyang isinaksak sa mga tenga ang ang ear phones at nakinig sa paborito nyang banda, ang WolfGang. "Hmmm..., much better!", at yon di na nya narinig ang talaga namang nakakairitang pag-iyak ni Jabcy. Naka-ilang kanta lang ang lobo sa pakikinig at di na nya namalayan na nakatulog na sya.

Madaling araw nang maalimpungatan na lang si Big Bad Wolf, narinig na naman nya ang nangungulit na pag-iyak ni Jabcy. Nalow-bat at namatay na pala yung Ipod Nano n'ya. Ngunit mahina na ang pag-iyak nito at pahikbi-hikbi na lamang. "Hala! At umiiyak pa rin...", nabanggit na lang nya. Agad syang bumangon at dali-daling pumunta sa kanyang pad. Natigilan sya at napatayo na lang sa may pinto. Nakita nya si Jabcy sa isang sulok, nakaupo at yakap-yakap ang sariling mga binti, umiiyak pa rin. Napatingin ang gingerbread sa kanyang kinatatayuan, hindi ito nagbago ng reaksyon. Humihikbi pa rin ito at namumugto na ang malulungkot nyang mga mata, dala na marahil ng matagal na pag-iyak. "Aba!", may pang-aasar at mataas na tonong sabi ng lobo, " At hindi ka pa rin nagsasawa sa...", natigilan. Tinitigan ni Big Bad Wolf ang mga mata ni Jabcy, para kasi itong nangungusap at may ibig sabihin. Matagal silang nagkatitigan. Hindi na nakakabingi ang mga paghikbi ng tinapay. Biglang nawala ang inis at ngitngit na kagabi nya pa nararamdaman. Sya ay nahabag sa kalagayan ng gingerbread. Biglang binawi ni Jabcy ang tingin at yumuko. Tuloy pa rin sa pag-hikbi. "Hikbi..hikbi..", sabi nito. Naisip ni Big Bad Wolf, "Ano bang problema nito at di timigil sa pag-iyak?", isip-isip nya. Nang biglang narinig nya ang pagkalam ng sikmura nito, malakas. "Nyek, nagugutom ka lang pala e. Dapat kagabi mo pa sinabi.", sabay punta sa direksyon ng ref. Binuksan nya ito at kumuha ng makakain para ibigay sa nagugutom na palang tinapay. Meron doong fried chicken, pizza, ice cream at apple. Di nya ibibigay yung fried chicken, lalo na yung pizza. Paborito nya kaya yun. Kaya yung apple na lang ang dinampot nya binato kay Jabcy, "O ayan kumain ka. Nagrerebolusyon lang pala yung mga bulate mo sa tyan e.", sabi nya na may pang-aasar. Di ito sinalo ni Jabcy, pinanood lang ang mansanas sa pagbagsak nito sa lupa. Medyo naasar si Big Bad Wolf, "Aba! at nag-iinarte ka pa ha! Ikaw na nga itong binibigyan ng chibog e!". Di natinag si Jabcy, tuloy pa rin sa paghikbi. Kinuha lahat ng lobo ang laman ng ref at inilapag sa harap ni Jabcy, nagbabasakaling may magugustuhan kainin. Pero wala itong dinampot kahit na isa. "Ano ba talagang gusto mo? Nagugutom ka di ba?", tanong nya na may halo ng konting yamot. Di pa rin sumagot si Jabcy, ang gutom nyang tyan ang sumagot. Kumalam muli ito ng ubod ng lakas. Di nya maintindihan ang mga pinagsasabi ng lobo, di rin nya masabi kung ano ang gusto nya dahil di naman sya marunong magsalita. Ang tanging laman ng utak nya ay ang makatikim at makakain ng paborito nyang leche flan. Yun lang.

Dagliang tumayo at pumunta sa direksyon ng pinto si Big Bad Wolf sabay sabing, "Dyan ka lang. Wag kang aalis. Pupunta lang ako sa bayan.". Lumabas sya sa kanyang pad at mabilis na kumaripas ng takbo papunta sa Di-Kalayuang-Kaharian.

to be continued...



No comments: