Monday, May 4, 2009
first date
bumaba kami ng jeep pagdating malapit sa may gate ng subdivision nila. maingat kaming tumawid ng kalsada, "sana lang may tricycle pang masasakyan..", pag-aalala nya. medyo gabi na kasi, ang tagal kasing nag-umpisa nung concert na pinanood namin. wala na ngang tricycle, "maglakad na lang kaya tayo..", mungkahi niya. "..di naman ba delikado?", usisa ko na medyo may halong pag-alala. "di yan, mababait mga tao dito sa subdivision namin, hehe!", pabiro nyang sagot. "o sige..!", mabilis kong sagot. mahigit isang kilometrong lakarin din yun dagdag pa nya. "ayos lang yan..!", sa isip-isip ko, makakapag-usap pa tayo ng matagal.
tahimik naming inumpisahan ang paglalakad. di ko maumpisahan ang usapan..marami pa naman akong sasabihin sa kanya. palihim at pasimple ko syang sinulyapan..nahuli nya ako! agad s'yang napangiti na animo'y nagbibiro, "ano? may sasabihin ka?..", sa isip-isip siguro nya. halos madurog talaga ang puso ko kapag pinapakawalan n'ya ang mga ngiting iyon. kay tamis. napakaganda talaga nya. binasag ko ang katahimikan "nag-enjoy ka ba? sa, sa concert kanina?". "yup! galing talaga ng eraserheads..", agad nyang sagot. "sana maulit uli..", sabi ko. "ang alin? ang concert?", usisa nya. "ah..oo. y-yung concert at..", natigilan ako sandali, "..at itong..paglabas natin, hehe!". "sana maulit..!", pahabol ko pa. "hah..am..oo naman! mauulit 'to.", tahimik nyang tugon.
nagpatuloy kami sa paglalakad. dahil medyo malalim na ang gabi, lumalamig na ang simoy ng hangin. buti na lang at suot ko ang ever-reliable kong jacket. nasa kalagitnaan kami ng aming usapan nang biglang umihip ang malakas na hangin.., malamig.., nanunuot sa kalamnan. napayakap sya sa sarili, sa ginaw. mabilis kong hinubad ang suot kong jacket at isinuot sa kanya mula sa likod. kay bango ng kanyang buhok. "thanks..!", pampahupa nyang tugon. muli akong bumalik sa aking katinuan.
maya-maya pa narating na namin ang gate ng bahay nila. "we're here..!", masaya nyang sambit. "sabi sa'yo, malapit lang e.", dagdag pa nya. "t-thanks ha! salamat sa jacket!", hinubad nya ito at inabot sa akin. sinadya kong hawakan ang kanyang kamay. "wala yun, 'kaw pa. s-sige alis na'ko. bye!", sagot ko naman, nanatili pa rin akong nakatayo sa kanyang harapan. "ok, bye! ingat ka.", sagot nya. "alis na'ko!", ulit ko. napangiti sya, "sige na..!". "sige, alis na'ko.", sabi ko uli, may kung ano ng nag-aapoy sa aking damdamin, pilit ko pa rin itong pinipigilan. lalo syang napangiti, "oo na nga, sige na...!", sabay talikod at nagsimulang humakbang papasok sa kanilang pinto. ah..di ko na talaga kaya pa itong pigilan, humakbang ako pahabol sa kanya. hinawakan ko ang kanyang kamay at kinabig sya paharap sa akin. daglian ngunit masuyo kong hinalikan ang kanyang labi. nagulat sya, natigilan at di kaagad nakapag-react. napahawak sya sa aking dibdib at akmang itutulak ako ngunit di nya na rin iyon nagawa. sinamantala ko na ang tamis ng pagkakataong iyon. nagpaubaya na rin sya..
tumigil ang paligid, umikot ang aming mundo..
"mama, bayad nga! iho pakiabot naman ng bayad ko..!", sigaw nung ale. natigilan ako sandali at mabilis na inabot ang bayad. "o philcoa na! yung mga philcoa dyan bumaba na..!", malakas na sigaw ni mamang driver. "ma, sandali lang..", sabi ko sabay baba ng jeep.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
ayos! haha.
hehe..salamatz..
Post a Comment